Hindi katahimikan ang ibig (sabihin) ng mga patlang.
Pinatataya kapinapapasok sa kanilang bitag at sa panahong
ganap mo silang makita o maligaw ang tingin, parating marami silang hinihingi, kahit patingi-tingi: ibigay ang pangalan, tukuyin ang kasarian, ipahayag ang gulang, alalahanin ang magulang, ituro ang tahanan, ideklara ang mga kinasanayan. Seryoso ang mga patlang sa kanilang gawain, para silang pari sa kumpesyunaryo o pulis sa presinto. Kung minsan nagbibiro rin naman sila. Tinatanong kung magkano ang binubuwis mo sa gobyerno, kung ilang taon ka ng biyudo, o kung anong mas paborito mo afritada o menudo, o kung anong istasyon sa telebisyon ang pinanonood mo at kung naniniwala ka bang magugunaw na ang mundo ayon sa nakasulat sa nostikong ebanghelyo ng isang ermitanyo sa Ethiopia. Pasintabi lamang, ngayong nabanggit ko na ang mga bagay-bagay na ito tiyak na muling mangungulit ang mga patlang. Maaari ka nilang tanungin kung nasaang kontinente ang Ethiopia, kung paano ang pagluto ng menudo, o kung sino at bakit naimbento ang telebisyon o kung regular at nakabayad ka na ba ng buwis. Mapag-usisa ngunit hindi sila nagkukusa. Nakatingin, nakapaligid sa atin ang mga patlang. Wala silang ibig (sabihin) na hindi mo masasabi.