Bilang mag-aaral, may kaalaman ako sa mga bayani na umusbong ng mga taong 18001899. Ngunit ilan lang sa kanila ang napagtutuunan ng pansin gaya nina Andres Bonifaco at Jose Rizal na may kanya-kanyang araw ng pag-alala: ika-30 ng Nobyembre at Disyembre. Dahil dito, pabor ako sa pagkakaroon ng Araw ng mga Bayani upang maalala rin ang mga iba pa na dapat parangalan sa ipinamalas nilang kagitingan sa panahon ng pananakop ng mga dayuhan kung saan kabilang si Heneral Antonio Luna. Madalas, ang historikal na panoorin ay hindi nakakapukaw ng masyadong interes sa madla ngunit pinatunayan ng pelikula na may kakayahan tayong magsadula ng kawili-wiling panoorin habang nagbibigay-impormasyon. Nagawa nito na maihayag sa mga manonood ang damdamin at isipan ng protagonista. Nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa sa kanyang buhay dahil nabigyang-diin ito sa pamamagitan ng mas detalyadong pagganap. Sa kabila ng pagkakaroon ng pinag-aralan, mas pinili niyang sumuong sa labanan at masusing pinag-aralan ang mga taktiko para sa pakikipaglaban. Isinakripisyo niya rin ang pamilya at pag-ibig para sa kapakanan ng Inang Bayan at mga Pilipinong kumakanlong dito. Maituturing siya na bayani sapagkat kumikilos siya bilang tugon sa pangangailangan ng bayan na kasama sila sa pakikipagtunggali. Si Heneral Luna ay masasabing indibidwal na bayani na may kakaibang kakayahan at posisyon sa lipunan. Hindi ko siya masisisi sa mga ugaling ipinamalas niya dahil bilang isang tao, siya ay sensitibo sa pakiramdam. Lalo na ng mga panahong iyon na pakiramdam niya na hindi lang mga Amerikano ang kalaban niya kundi pati na rin ang kapwa Pilipino. Tila siya ay mag-isa sa labang iyon. Hindi matanggap ng mga may katungkulang Pilipino na mapasailalim sa mga utos kaya hindi kaaya-aya ang naging pagtingin nila sa Heneral. Nahihirapan siya sapagkat sa bawat hindi pagsunod sa kanyang utos ay bawat buhay na nasa panganib. Bukod dito, lalong lumiliit ang pag-asa sa pagiging independente ng bansa. Si Heneral Luna ay bayani sa pamamagitan ng organisadong pagkilos. Ang kanyang gampanin ay maituturing na social determinism na bunga ng pangangailangan at ito ang humubog sa kanya upang kumilos bilang isang bayani ng kanyang panahon.
Ang mga simbolismo ay nagbigay ng kahulugan tulad ng pagkasira ng isang karetela at
katahimikan ng lugar na nagpapahayag na may hindi magandang pangyayari. Ang pagdumi ng watawat ng bansa habang patuloy na naisasalaysay ang mga pangyayari na nagpapakita ng paglala ng mga sitwasyon. Sa huli ay ang pagkasunog nito na nagpapahayag ng kawalang-pagasa o pag-alab ng damdaming makabayan. Ang sulat ni Heneral Luna sa kanyang ina na may tono ng pamamaalam. Ang ginawang paghila sa labi ngHeneral at isa pang kasama na tulad sa Spoliarium at pagkuha sa kagamitan nila gaya ng mga gladiators na nagbigay-aliw sa mga manonood kapalit ang kanilang mga buhay. Ang lalaki na nakikipanayam kay Heneral Luna na kumakatawan sa atin na nagbabalik-tanaw sa mga pangyayari ng nakaraan upang mabigyangkasagutan ang mga sigalot na kinakaharap sa kasalukuyan. Iminumulat tayo ng pelikula sa mga isyu noon na hanggang ngayon ay atin pa ring kinakaharap. Balakid sa ating layunin na pag-unlad ang pagkakaisa dahil hindi tayo magkasundo at kumikilos tayo na may sari-sariling kaisipan. Totoong napakahirap na pagbuklurin ang watakwatak na bansa. Naipakita rin na mas naging kaaway pa ng Heneral ang kanyang kapwa Pilipino na mismong pumaslang sa kanya kaysa sa mga Amerikano. Talagang ganito ang tadhana ang iyong kakampi ay siya mo ring kaaway. Nakagawa sila ng napakalaking pagkakamali sapagkat wala pansariling motibo ang Heneral na tulad nila. Handa ba tayong isakripisyo ang lahat para sa ating bayan gaya ng ating pagasasakripisyo sa kapakanan ng pamilya? Sa huli ay binigyan tayo ng pagpapasya: bayan o ang sarili? Isa lang ang aking masasabi. Hindi ito pasakit para isa na handang magbuwis ng buhay para sa kanyang prinsipyo kundi isang pribilehiyo. Pahalagahan ang kalayaan na ating tinatamasa at gawin ang mga responsibilidad natin bilang mamamayan ng bansa.