Você está na página 1de 4

Pelikula Bilang Puwersang Panlipunan

Pagsusuri sa Pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag (Lino Brocka, 1975)


Miles Julius D. Acuin

Ayon sa pananaliksik nina Gonzales et al. (2009) na pinamagatang Isang


Pananaliksik Tungkol sa Pagtangkilik ng mga Pilipino sa Pelikulang Banyaga, ang
pelikula ay isang sining kasama ng pagpipinta, eskultura, musika, drama at arkitektura
na nagbibigay ng pinakamalawak na impluwensiya sa publiko dahil sa kakayahan
nitong magpakita ng mga damdamin at situwasyon na sadyang mauunawaan ng mga
manonood. Tinitingala ito ng publiko na parang salamin ng buhay dahil dito
nasasaksihan

ang paglalarawan ng mga pangarap, hangarin

at paniniwala.

Ibigsabihin, ang pelikula ay ang puwersang nagtutulak sa damdamin at isipan ng


tao na hanapin ang kanyang mithiin sa buhay.

Ngunit, paano kung ang pelikula ay

magsisilbing puwersang panlipunan na magdidikta sa mga tao na hanapin ang


katotohanan at kasagutan sa mga kabaluktutang nangyayari sa kapaligiran bilang
kanilang pangunahing mithiin?
Kung gayon, ang magiging gampanin ng pelikula ay salaminin ang lipunan
kabilang na ang pulitikal at ekonomikal na aspekto ng isa o higit pang bansa bilang
kabuuang sining o obrang nagpapakita ng imahen ng realidad o katotohanang
nagaganap sa kapaligiran na maaring magpakita ng estetikong pagtingin o kabulukan
sa lipunan. Isang halimbawa nga nito ay ang pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng
Liwanag ni Lino Brocka noong taong 1975.
Ang pelikulang may ganitong puwersa ay maaaring masuri sa lente ng teoryang
realismo na tumatalakay sa katotohanan sa lipunan. Karaniwan nitong pinapaksa ang
kalagayan na nangyayari sa lipunan tulad ng kurapsyon, katiwalian, kahirapan at
diskriminasyon. Madalas ang teoryang ito ay nakapokus sa realidad ng buhay, lipunan
at gobyerno.
Ang kuwento ng pelikulang nabanggit ay umiikot sa dalawang pangunahing
karakter na sina Julio Madiaga (Bembol Roco) at Ligaya Paraiso (Hilda Koronel) na
magkasintahan ngunit di nagtagal ay pinaghiwalay ng tadhana dahil isinama ni Mrs.
Cruz si Ligaya sa Maynila at pinangakuan na bibigyan nito ng maayos na edukasyon

ang dalaga ngunit taliwas ito sa inaasahan ng dalaga dahil pagdating sa Maynila ay
ginawa siyang isang prostitute.
Sumulat si Mrs. Cruz sa ina ni Ligaya na nagsasabing si Ligaya ay umalis at
hindi na nakita pa upang pagtakpan ang tunay na kalagayan ni Ligaya sa Maynila. Ito
ang nagtulak kay Julio na magpunta sa Maynila at hanapin ang kasintahan. Pumasok
siya bilang construction worker na may walong oras na pagtatrabaho at sinasahuran
lamang ng 2.50 piso kada araw. Dito niya naranasan ang hirap ng buhay sa Maynila.
Sinubukan niya rin na maging isang prostitute upang mas mabilis na kumita ng pera
ngunit hindi niya ito natagalan.
Kinalaunan, nahanap ni Julio si Ligaya ngunit may mga anak na ito at asawang
Intsik na sinasaktan siya at pinagbabantaang papatayin kaya pinayuhan ni Julio ang
dating kasintahan na tumakas ngunit ang pagtakas ni Ligaya ay humantong sa kanyang
kamatayan. Nagdilim ang paningin ni Julio sa intsik at pinagsasasaksak niya ito
hanggang sa mamatay. Hinabol si Julio ng mga tao upang hulihin at bugbugin
hanggang sa wala nang matakbuhan si Julio at pinili na lang nitong saksakin din ang
kanyang sarili.
Ipinakita sa kuwentong ito na ang buhay sa Maynila ay hindi madali at taliwas sa
inaakala ng mga taga-probinsya na masarap ang buhay sa Maynila. Inilarawan sa
kuwento na ang pag-asa sa Maynila ay tila mga kuko ng liwanag o mga sinag ng araw
na sumisilip sa mga madidilim na sulok ng Maynila, napakahirap aninagin ang liwanag,
mayroon man ngunit kakaunting liwanag lamang ang masisilayan na maaaring sumuot
lamang sa butas ng singit ng pader.
Mabisang naipahayag sa kuwentong ito ang katotohanan noong panahon ng
1975 na ang tingin ng mga probinsyano sa Maynila ay isang lugar para tuparin ang
kanilang mga pangarap. Marami noon ang lumuluwas sa Maynila dahil sa kanilang
paniniwala na ang pagpunta sa kapitolyo ng Pilipinas ay gaya ng tinatawag nilang
American Dream na mabilis ang ikot ng pera, masarap ang pamumuhay, madaling
makahanap ng magandang trabaho dahil industriyalisado at mataas ang kalidad ng
edukasyon na hanggang sa ngayon ay namamayani pa rin.

Ipinakita rin dito ang isyung human trafficking na madalas na mangyari noong
panahong iyon. Ito ay lumaganap dahil sa pananamantala ng mga manloloko sa mga
taong mahihirap na binulag ng kanilang pangarap at pinangakuan ng kaginhawaan na
bumuhay sa kanilang kakapiranggot na pag-asang makaangat sa lipunan at matakasan
ang kahirapan. Sumalamin ang pelikulang ito sa kung ano ang totoong nangyayari noon
upang imulat ang mga tao na ang buhay sa lungsod ay hindi instant at walang
kasiguraduhan. Nais iparating din ng pelikulang ito kung gaano kabangis at
mapanganib ang lungsod ng Maynila na walang lugar dito ang kamangmangan dahil
patuloy lang silang makararanas ng masalimuot na buhay.
Isa nga sa katangian ng teoryang realismo ay ipaglaban ang katotohanan kaysa
kagandahan. Sinumang tao, anumang bagay at lipunan ayon sa mga realista, ay dapat
maging makatotohanan ang paglalarawan o paglalahad. Karaniwang nakapokus ito sa
paksang sosyo-pulitikal, kalayaan at katarungan para sa mga naaapi. Sa pelikula,
ipinakita ang paghahanap ng katarungan ng pangunahing tauhan na si Julio sa
kanyang pinatay na kasintahan at ang paghahanap ng kalayaan ni Ligaya bilang naaapi
sa kanyang asawang Intsik. Walang pakialam ang teoryang ito kung ang kuwento ay
mapapangit at maging masalimuot hanggat ito ang katotohanan, ito rin dapat ang
makita sa kuwento.
Kalimitang paksain ng realismo ay ukol sa kahirapan, kamangmangan,
karahasan, krimen, bisyo, katiwalian, prostitusyon at kawalan ng katarungan. Kung
papansinin, ang lahat ng ito ay natalakay sa pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng
Liwanag. Ang kahirapan sa estado ng pamumuhay ng pamilya ng dalawang
pangunahing tauhan, ang kamangmangan ukol sa buhay sa Maynila at pagkabulag sa
mga pangako ni Mrs. Cruz, ang karahasang nangyari kay Ligaya sa kamay ng kanyang
asawa, ang krimen na nangyari kay Ligaya bunga ng kanyang asawa at sa asawa rin
nito na bunga ng pagdidilim ng paningin ni Julio, ang bisyo sa paninigarilyo na paulit-ulit
na ipinakita sa palabas, ang katiwalian na ipinakita ng pulis ng akusahan si Julio bilang
magnanakaw habang hawak-hawak niya si Mrs. Cruz, ang prostitusyon na naranasan
nina Julio at Ligaya at ang kawalan ng katarungan sa masalimuot na nangyari kay
Ligaya ng dahil sa panloloko ni Mrs. Cruz.

Sa kabuuan ng aking pagsusuri, ang pelikulang ito ay hindi matatawaran at


napakaganda ng pagkakagawa maging ang mensahe dahil mabisang naipakita ang
lahat ng kasangkapan nito na nagpatunay na ito ay talagang sumasalamin sa realidad
ng buhay at ang mga kasangkapang ito gaya ng nabanggit sa sinundang talata ay ang
lalong nagpatindi ng puwersa at kapangyarihan ng pelikula na magpamulat at mangalarma sa mga tao sa kung ano ang tunay na kaganapan at sistemang namamayani sa
Maynila.

Kaligiran ng Pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag


Ang Sa Mga Kuko ng Liwanag o may salin sa Ingles na In the Claws of
Brightness ay isang kathang-isip na nobela na nasa wikang Tagalog at isinulat ng
Pilipinong may-akdang si Edgardo M. Reyes noong 1986 at nailimbag sa Palimbagan
ng Pamantasan ng De La Salle. Unang lumitaw ang nobelang ito bilang isang serye sa
magasing Liwayway mula 1966 hanggang 1967.
Ang kuwentong ito ang naging batayan para sa nagantimpalaang pelikulang
Pilipinong Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag ng isang direktor na si Lino Brocka at sa
panitik ni Clodualdo del Mundo, Jr. na nagkaroon ng salin sa Ingles na The Claws of
Light. Naisalinwika rin ang aklat na ito sa wikang Nihonggo ni Motoe Terami-Wada. Ang
nobela ay naging isa sa pinakabinibiling aklat sa Hapon.
Ito ay pinagbibidahan nina Bembol Roco, Hilda Koronel, Lou Salvador Jr. at
Tommy Abuel na gumanap sa mga pangunahing tauhan. Ang pelikulang ito ay
naparangalan

bilang

Best

Picture,

Best

Director,

Best

Screenplay,

Best

Cinematography, Best Actor, and Best Supporting Actor sa 1976 FAMAS awards. Ito rin
ay napabilang sa Worlds Top 100 Films of All Time at ang natatanging pelikulang
Pilipino na nakapasok sa listahan ng 1001 Movies You Must See Before You Die.

Você também pode gostar