Você está na página 1de 2

Naririto tayong lahat at nagtipon-tipon ngayong araw na ito upang ipagdiwang

ang isang malaking pangyayari sa ating buhay bilang isang mag-aaral. Ito ang
araw na ating pinakahihintay ang katuparan ng ating masidhing pangarap na
matapos ang ating puspusang pagpupunyagi sa pag-aaral. Mga hirap na ating
naranasan upang matapos natin ang anim na taon sa piling ng ating mga
kaibigan, kapwa-mag-aaral at mga guro.

Ito ang araw ng katuparan. ito ang araw na ating pinakahihintay, ang
pinakaaasam-asam nating lahat ang magawaran ng kaukulang pagkilala ang
ating pagtitiis, paghihirap at pagsusumikap. Ito ang tamang araw upang
ipagdiwang natin ang matagumpay na maisakatuparan ang pagsusunog ng ating
kilay alang-alang sa ating kinabukasan. Ang tagumpay ay hindi lang para sa mga
natatanging mag-aaral. Hindi lamang sa akin ang karangalan na makapagtapos
nang may natatanging pagkilala, kundi ang karangalan ay para sa ating lahat.

Una na nating pasalamatan ang ating mahal na Paaralan na naging ikalawang


tahanan nating lahat. Sa loob ng mahabang anim na taon, naririto tayo upang
hubugin ng ating mga dakilang guro ang ating pag-iisip, ang ating puso at ang
ating pananamplataya, upang sa darating na panahon ay maging isang kapaki-
pakinabang na mamamayan ng ating bayan sa isang tuwid na daan. Pinanday
ang ating pagkatao sa loob ng tamang panahon at sa angking-talino ng mga
tumayong ikalawang-magulang natin. Sa pamamag-itan ng tamang pag-gabay ay
matagumpay nating naisakatuparan ang nais na igawad sa atin ng ating mga
guro. Walang katapusang pasasalamat sa aming mga guro sa kanilang dakilang
tungkulin sa mga mag-aaral.

Ang araw na ito ay ang katuparan ng pagtupad natin sa pangarap ng ating mga
magulang. Ang pangarap nilang mabigyan ng tamang edukasyon ang kanilang
mga anak. Mapapalad tayo at iginawad sa atin ng ating mga magulang ang ating
karapatang makatanggap ng tamang edukasyon at mainit nating natanggap ang
kanilang walang-sawang suporta sa ating pag-aaral. Mga magulang at guro na
magkatuwang na humubog at gumabay sa ating wastong asal. Sa kanilang
mahabang panahon na ginugol, kaalamang itinuro at pagtuklas sa ating talino na
kanilang nilinang, nakarating tayo sa espesyal na raw na ito. Ang lahat ng ito, na
ating tinatamasa ngayon ay isang malaking tagumpay sa lahat ng mga taong
naghirap para sa atin upang marating natin ang araw na ito.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang lahat, hindi ito ang wakas. Ang bahaging ito ng
ating buhay-mag-aaral ay pasakalye pa lamang ng ating mas malaking buhay.
Inihanda lamang tayo ng ating mga guro at magulang upang maging matibay,
malakas at matatag tayo sa mga darating na pagsubok at hamon sa ating buhay
maging ito man ay tungkol sa pag-aaral o personal na pakikibaka. Papunta pa
lamang tayo sa isang mas mabigat na pakikipagsapalaran. Ngunit dahil sa tulong
ng mga taong naghirap para makapagtapos tayo ng pag-aaral ay taas-noo at
buong-tiwala nating haharapin ang anumang pagsubok. Ang edukasyon ay ang
sandata na ibinigay sa atin upang mapagtagumpayan natin ang mga darating na
hamon ng buhay.

Para sa malaking bahagi ng aming tagumpay, maraming salamat sa aming mga


magulang na naririto ngayon upang saksihan ang paunang-tagumpay ng kanilang
mga anak. Kaya sampu ng aking mga kapwa-mag-aaral na magsisipagtapos, nais
po namin kayong pagpugayan sa inyong kadakilaan. At higit kangino man, ang
taos-pusong pasalamat natin sa Poong-Maykapal, na siyang may bigay sa atin ng
ating kalakasan at karunungan. Kung wala Siya ay wala ang lahat ng ito.

At bilang pagtatapos sa aking talumpati, nais kong hikayatin ang aking mga
kapwa magsisipagtapos na gamitin natin ang tinamasang karunungan sa ating
pag-aaral. Isa-puso natin ang lahat ng ating mga natutunan sa paaralang ito.
Mula sa mga libro na ating pinag-aralan, mga kaalamang ibinahagi ng ating mga
guro at kaalamang pang-relihiyon na ating natutunan, gamitin natin sa kabutihan
ang mga ito upang mapanatili natin ang tuwid na daan tungo sa tagumpay ng
ating bayan. Mayroon tayong mahalagang papel na gagampanan para sa ating
bayan. Bagamat nasa murang isipan pa lamang ay huwag tayong magsawalang-
bahala dahil sa darating na panahon ay tayo ang mamamahala ng ating bayan.
Kung kaya ngayon pa lamang ay maging isang mamamayan tayo na makatao at
maka-Diyos upang makamtan natin ang kaginhawahan sa dulo ng tuwid na daan.

Isang mainit na pagbati para sa pagtatapos nating lahat. Naway magtagumpay


ang bawat isa sa atin sa ating buhay, pag-aaral, gawain at higit sa lahat sa mata
ng Diyos.

Maraming-maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.

Você também pode gostar