Você está na página 1de 4

“Ano ang Ibig Sabihin ng Lilang Tatsulok?


“ILANG araw na ang nakalilipas,
nakatanggap ako ng kopya ng Ang
Bantayan mula sa isang Saksi ni Jehova,”
ang isinulat ng isang empleado ng
gobyerno na nagtatrabaho sa ministri ng
katarungan sa Seoul, Republika ng Korea.
Sinabi pa niya: “Pagkabasa ko nito, may
natutuhan akong ilang bagay tungkol sa
pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova noong
namamahala ang mga Nazi at mga
Komunista. Pero may tanong ako. Sa
pabalat, ipinakikita roon ang larawan ng
mga Saksi ni Jehova na may pabaligtad na
lilang tatsulok sa gawing kaliwa ng
kanilang uniporme. Ano ang ibig sabihin
ng lilang tatsulok?”
Noong nasa ilalim ng rehimeng Nazi ang
Alemanya, tumanggi ang mga Saksi ni
Jehova na sumaludo kay Hitler, at nanatili
silang neutral sa pulitika at mga isyung
militar. Kaya buong-kalupitan silang
pinag-usig ng mga Nazi, at ipinakulong
ang humigit-kumulang 12,000 Saksi sa
mga bilangguan at mga kampong piitan,
nang may iba’t ibang haba ng sentensiya.
Mga 2,000 sa kanila ang namatay, anupat
daan-daan sa mga ito ang ipinapatay.
Ano ang ibig sabihin ng lilang tatsulok sa
kanilang uniporme? “May mga
palatandaan ang mga bilanggo sa mga
kampo [ng Nazi] depende sa kanilang
kategorya,” ang paliwanag ng aklat
na Anatomy of the SS State. “Ang
karaniwang ginagamit na sistema sa
paglalagay ng palatandaan noong
panahon bago ang digmaan ay ang
pagtatahi ng patatsulok na piraso ng tela
sa uniporme ng bawat bilanggo, at ang
kulay ng tatsulok ay depende sa kaniyang
kategorya: pula para sa mga nabilanggo
dahil sa pulitika; lila para sa mga Saksi ni
Jehova; itim para sa mga mapaghimagsik;
berde para sa mga kriminal; kulay-rosas
para sa mga homoseksuwal; asul para sa
mga nandayuhan. Bukod sa de-kulay na
tatsulok na nakalagay sa uniporme ng
mga bilanggong Judio, pinatungan pa ito
ng dilaw na tatsulok upang mabuo ang
eksagonal na Tala ni David.”
“Kung maaalaala pa rin sa hinaharap ang
kahalagahan nito,” ang isinulat ni
Propesor John K. Roth sa kaniyang aklat
na Holocaust Politics, “ang lilang tatsulok
ay maaari ring magsilbing proteksiyon
laban sa trahedya, isang proteksiyon kung
saan ipinaaalaala ng tatsulok ang ating
pananagutan na itaguyod ang mainam na
paggawi na lubhang karapat-dapat sa
parangal ng tao.” Inilabas ng mga Saksi ni
Jehova ang isang dokumentaryo na umani
ng parangal—ang Jehovah’s Witnesses
Stand Firm Against Nazi Assault. Bakit
hindi mo tanungin ang isang Saksi ni
Jehova kung paano mo mapapanood ang
video na ito?

Você também pode gostar