Você está na página 1de 3

Matulis. Matigas. Mapagmataas.

Ganyan ilarawan ng kaniyang mga kasamahan ang anak ng kanilang pinuno, ang lapis na si Kokoy. Lagi
nitong minamaliit ang mga kagamitan dahil sa angkin nitong kakisigan. Ang kaniyang matulis na panulat
at ang malambot nitong pulang pambura, samahan mo pa ng tila gintong dilaw na kulay ng kaniyang
balat.

Isang araw, nagpatawag ng pulong ang pinuno ng mga kagamitan, ang amang lapis ni Kokoy, si Mang
Noy. Mabait ang ama ni Kokoy na si Mang Noy, kabaliktaran ng sa kanyang anak. Tinitingala si Mang Noy
sa kaniyang galing at dedikasyon sa trabaho.

Alas otso ng umaga, nagtipon na ang mga kagamitan. Maririnig ang mga usapan at bulungan ng mga
kagamitan kung bakit biglaang nagpatawag ng pulong si Mang Noy. Naiinip na ang lahat sa pagdating ng
kanilang pinuno.

Ilang saglit pa ay dumating na si Mang Noy kasama ang kaniyang anak si Kokoy na tila ba hari kung
lumakad, papadyak at pasikad.

“Magandang umaga mga kasama”, pambungad ni Mang Noy.

Masayang binati sa pamamagitan ng ngiti si Mang Noy ng kaniyang mga pinamumunuan.

“Mayroon akong mahalagang balita para sa inyo. Bilang ako ay nakakalbo na...”, pabirong wika nito
kasabay ng paghimas sa nauupod nitong pulang ulo.

“Nais ko ng magpahinga sa aking pamumuno. Bilang aking kahalili, ang aking anak ang siyang magigingn
bago ninyong tagapamahala.”, dugtong pa nito na lubos na ikinagulat ng lahat.

Naging maingay ang balita. Marami ang nabilga at ang iba naman ay lubos na nadidismaya sa nangyari.
Malaki ang naging ambag ni Mang Noy sa lahat. Maraming plano narin ang kaniyang naisakatuparan.
Plano ng mga magagandang bahay at gusali.

Habang abala ang lahat isang umaga, isang malakas na boses ang kanilang narinig. Tinig ng bago nilang
tagapamahalang si Kokoy.

“Makinig kayo! Mayroon tayong bagong proyekto at ako na ang mamumuno rito. Lahat ng magkakamali
ay tatanggalin ko sa trabaho .”, pananakot ni Kokoy.

“Diba’t tila sobra naman ata iyon Koy?, wika ng matalik at nag-iisa nitong kaibigan, si Sisang Pambura.

“Ayos lamang yan Sisa, upang walang kumontra”, sagot nito.

Di na lamang umimik ang kaibigan nitong si Sisa na tila nag-aalala sa kinikilos ng kaibigan.
Nagsimula na ang pagbuo ng plano. Inilatag ang isang malaking papel na halos kasing puti ng mga ulap at
kasing kinig ng sutla.

Ipinatawag ni Kokoy si Popoy, ang Ruler. Matagal ng nagtratrabaho para kay Mang Noy si Popoy.
Bihasang-bihasa na si Popoy pagdating sa pagsusukat at pagtutuwid ng linya.

“Popoy! Ano sa palagay mo ang magandang gawin sa plano ng bahay na ito?” wika ni Kokoy.

“Ang pinakamahalaga nating gawin rito ay siguraduhin na tama ang sukat at tuwid ang mga linya na
gagamitin sa plano”, masayang wika ni Popoy.

“Hindi ko na kailangan ng tamang sukat at tuwid na linya. Makakaalis ka na”, ang sabi ni Kokoy.

“Pero…”, ang subok na pagpigil ni Sisang Pambura kay Kokoy ng bigla siyang pigilin ni Popoy.

“Hayaan mo na Sisa, ano’t ano pa at matututo rin si Kokoy”, wika ni Popoy habang unti-unting nilisan
sina Kokoy at Sisa.

Kasunod naman na ipinatawag ni Kokoy si Toto, ang eskwala. Si Toto ang taga-ayos ng mga sulok at
tagapanatili sa pagkakalinya ng mga plano. Mahaba ang kaniyang katawan at may ulong nakahilis rito.

“Nabalitaan naming na tinaggal mo si Popoy. Paano na ang mga linya? Ano pa ang aking magiging silbi
kung wala na rin siya?”, pagalit na tanong ni Toto.

“Ganoon ba? Sige at umalis ka na rin tulad niya!”, sagot ni Kokoy.

Umalis rin ang eskwalang si Toto na tila padabog at may galit

Halos lahat na lamang ng mga kasama ng lapis na si Kokoy ay nagsialisan dahil sa angkin nitong
kayabangan. Tanging ang pamburang si Sisa na lamang ang nanatili sa tabi niya.

“Mga walang utang na loob, pagkatapos nilang pakinabangan ang mga ginawa ng tatay, mag-aalisan
lamang sila!”, wika ni Kokoy sa galit na tono.

“ Koy, baka naman naging sobra ka ng malupit sa ating mga kasamahan?”, mahina sagot ni Sisa habang
binubura ang paling-paling at maling guhit ni Kokoy.

“Magbura ka lamang dyan at huwag mamakialam!”, pasigaw na wika ni Kokoy.

Napitlag si Sisa sa narinig at nagulat sa mga sinabi ni Kokoy.

“Simula ngayon, mag-isa mo nang ipagpapatuloy lahat ng ito!”, sagot ni Sisa habang palayo ng palayo.

“Hindi ko kayo kailangan!”, sagot ni Kokoy.


Lumipas ang mga araw at hindi parin natatapos sa plano si Kokoy. Upod na rin ang pambura sa kanyang
ulo. Parang isang gulong na matagal nang kumakaskas sa kalsada. Gasgas na rin ang kanyang magandang
balat.

Nawawalan na ng loob si Kokoy ng biglang naalala ang mga kasama. Binalot si Kokoy ng pagsisisi. Kahit
mahirap sinubukan ni Kokoy na tibayan ang loob at humingi ng tawad. Pagkakataon naman na nakita ni
Kokoy na magkakasama at nagtitipon ang lahat. Lumapit si Kokoy at humingi na tawad.

“Sana ay natutunan mo kung saan ang iyong mga pagkakamali, Kokoy”, wika ni Sisang Pambura.

“Lahat naman ay nagkakamali, at lahat ay dapat bigyan ng pagkakataon magbago”, dugtong ng ruler na
si Popoy.

“Salamat mga kasama at gagawin ko ang lahat upang makabawi sa inyo”, ang sabi ni Kokoy.

“Tara na at simulant na natin ang proyekto”, galak na sabi ni Toto.

Sinumalan na nga nila ang paggawa ng plano. Mga tuwid na linya at maayos na sukat lamang ang
nakikita. Ang bawat sulok ay maayos at pantay. Ang mga lagpas na linya ay maingat na nabura. At ang
pinakamahala sa lahat, ay ang matingkad na guhit na sa higanteng papel ay tanaw na tanaw.

Makalipas lamang ang ilang sandali ay isang magandang plano ang kanilang nabuo buhat ng
pagpapakumababa at pagtutulungan. Higit sa plano, ang nabuo nilang pagkakaisa ng lahat ang nagbigay
ng kulay at saya. Magmula noon ay naging mabuti nang pinuno si Kokoy at naging matagumpay ang
bawat plano nilang ginagawa.

Você também pode gostar