Você está na página 1de 4

Ano ang Epiko?

Ang Epiko o Epic sa wikang Ingles ay uri ng panitikan na matatagpuan sa iba’t-ibang grupong
etniko. Ito ay tumatalakay sa mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao
laban sa mga kaaway na halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpuang makababalaghan.
Kwento ito ng kabayanihan noong unang panahon na punung-puno ng mga kagila-gilalas na
pangyayari.

Ang mga pangunahing tauhan dito ay nagtataglay ng katangiang nakahihigit sa karaniwang tao
at kadalasan siya ay buhat sa lipi ng mga diyos o diyosa.

Ang epiko ay galing sa salitang Griyego na ‘epos’ na ang kahulugan ay ‘awit’. Ang mga ito ay
nasa anyo ng berso o talata ngunit ito ay iba-iba at bukod-tangi sa bawat rehiyon at hindi
maikukumpara sa mga Kanluraning epiko.

Katangian ng Epiko
Ang ilan sa mga katangian ng epiko ay ang mga sumusunod:

 Paggamit ng mga bansag sa pagkilala sa tiyak na tao


 Mga inuulit na salita o parirala
 Mala-talata na paghahati o dibisyon sa mga serye ng kanta
 Kasaganaan ng mga imahe at metapora na makukuha sa pang araw-araw na buhay at
kalikasan (halaman, hayop, mga bagay sa kalangitan, atbp.)
 Kadalasang umiikot sa bayani, kasama ang kanyang mga sagupaan sa mga mahihiwagang
nilalang, anting-anting, at ang kanyang paghahanap sa kanyang minamahal o magulang; ito rin
ay maaaring tungkol sa panliligaw o pag-aasawa.

Buod ng Darangan (Epikong Maranao)


Mayroong isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na
lalaki. Ang nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa
murang edad ay nagpakita si Prinsipe Bantugan ng magagandang katangian na higit sa
kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa
kanilang ama na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis siyang matuto, kahit sa
paggamit ng espada at palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o
limang tao sa mano-manong labanan.

Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo ay nang makita siya nang
mapatay niyang mag-isa ang isang malaking buwaya na nakapatay sa ilang taong-bayan. Hindi
makapaniwala ang mga taong-bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.
“Napakalakas niya!” ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na buwaya.

“Paano nakaya ng isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya
ng mga diyos!” sabi naman ng isa.

“Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw!” sabi ng pinuno ng
bayan.

Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging pinakamagaling


na sundalo sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan. At lagi
silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay naging
bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang
kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian
dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit kaharian.

Nang mamatay ang kanilang ama, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali
ang hinirang na bagong hari. Nagkaroon ng protesta ang mga nasa ranggo. Nais nila na si
Prinsipe Bantugan ang maging bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay
nagsasabi na si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-dapat maging hari sa dalawang prinsipe.

“Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas, kaya niya tayong protektahan laban sa mga
kaaway!” sabi ng isang matanda sa pamilihan.

“Sang-ayon ako sa iyo”, sagot ng matandang lalaki.

SEE ALSO: Bantugan (Epiko ng Mindanao)


Hindi ito pinansin ni Prinsipe Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapatdapat na
tagapagmana ng trono dahil si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo
ang nagpatunay para sa kanyang kapatid.

“Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya kung
paano magpatakbo ng gobyerno”, sinabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa
kaharian. “Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang
magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!”

Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa
pagitan ni Prinsipe Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi
lamang matapang at malakas, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa
kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng gusto ng kanyang kapatid na si
Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit, nagpahayag ang hari
ng kautusan.

“Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe
Bantugan. Sino man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipapakulong o kaya ay
parurusahan ng malubha.”

Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sarili na parang
mayroong nakakahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang mga kababaihan. Kahit
ang mga taong kanyang minahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka
makulong maparusahan ng hari. Dahil hindi na niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang
prinsipe na lisanin ang kaharian at manirahan sa malayong lugar kung saan siya nanirahan
habambuhay.

Tuwaang (Epiko ng Mindanao)


Tuwaang ang pamagat ng epikong-bayan ng mga Manobo, mga taong nakatira sa hanggahan
ng Cotabato, Bukidnon, at Davao, at tungkol sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Tuwaang.
Sinasabing may mahigit sa 50 kanta ang mga Manobo tungkol kay Tuwaang. Dalawa sa mga
ito ang naitala at ipinalathala ni E. Arsenio Manuel, ang Mangovayt Buhong na Langit (Ang
Dalaga ng Langit Buhong) at Midsakop Tabpopowoy (Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan).

Sa “Ang Dalaga ng Langit Buhong”, pumunta si Tuwaang sa lugar ni Batooy upang pakasalan
ang kararating lamang na dalaga ng Langit Buhong. Matapos ang mahabàng paglalakbay,
nagpahinga si Tuwaang malapit sa dalaga, at naikuwento nito na may isang higanteng binata
ng Pangumanon na nais siyang pakasalan. Nang hindi pumayag ang dalaga sa kahilingan ng
binata, sinunog ng lalaki ang kaharian ng babae. Tumakas siya sa kalupaan upang magtago.
Nang matapos ikuwento ito ng dalaga ay dumating ang binata ng Pangumanon, pinatay ang
mga tao, at hinamon si Tuwaang sa labanan. Natalo ni Tuwaang ang taga-Pangumanon.

Buod ng Tuwaang: Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan


(Epiko ng Mindanao)
Sa “Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan”, naimbitahan si Tuwaang sa kasalan ng Dalaga ng
Manawon at ng Binata ng Sakadna. Dumating si Tuwaang sakay ng gungutan, isang malaking
ibon. Nang dumating ang lalaki sa Manawon, minasama ng binata ng Sakadna ang pagdalo ni
Tuwaang. Sinabi ni Tuwaang na isa rin siyang bagani kung kayâ nása kasalan. Nang sinimulan
na ang paghahandog ng mga regalo, hindi naibigay ng Binata ng Sakadna ang gintong gitara at
plawta. Sinagip ni Tuwaang ang binata at siya na ang nagbigay ng mga ito. Lumabas ang
dalaga at inutusan ang lalagyan ng kaniyang nganga na magbigay nito sa mga bisita. Huminto
ang mahiwagang lagayan ng nganga sa tapat ni Tuwaang. Tumabi pa ang dalaga kay
Tuwaang. Nagalit ang binata ng Sakadna at hinamon si Tuwaang na maglaban. Matagal ang
labanan at nahirapan si Tuwaang bago natuklasan ang lihim ng lakas ng kalaban. Sakay ng
gungutan, umuwi si Tuwaang sa kaniyang kaharian kasama ang dalaga ng Manawon.

Você também pode gostar