Você está na página 1de 6

Negosyo o Kalayaan? Bayan o Sarili? Pumili ka!

Kalimitan, ang kinikilingang mga kurso ng mga Pilipino ay umiikot lamang sa apat–

medisina, pag-iinhinyero, akawnting, at abogasya. Nakikita ito bilang isang kopitang nais

makamtan ng mga Pilipino dahil sa kaakibat na malaking sweldo ng mga ito. Kung kaya’t madalas

na kinakabit ang mga salitang asenso at tagumpay sa mga nasabing programa sa kolehiyo.

Ngunit, ilang taon na ang nakalipas at parehong pag-iisip parin ang pinapairal ng mga Pilipino.

Tila hindi na nakakasabay ang mga pangarap sa mga pagbabago ng panahon. Kung gaano

kataas ang pagtingin ng mga Pilipino sa mga nasabing kurso lalo na sa medisina, ganoon naman

kababa ang pagtingin ng mga Pilipino sa mga kursong may kinalaman sa agrikultura. Ang

agarang pumapasok sa mga isipan kapag kaugnay ng agrikultura ang kursong kukunin ay

magiging magsasaka ang estudyante. Kung kaya’t mas pinipili parin ng mga Pilipino ang medisina

kaysa sa mga programang kaugnay ng agrikultura. Ngunit, ito ang isa sa mga pag-iisip na dapat’y

baguhin ng mga Pilipino dahil ito rin mismo ang humahadlang sa kanilang pag-unlad. Sapagkat,

ang pagkuha ng agrikultrang kurso ay angkop sa bayang pagsisilbihan, makakatulong sa mga

nangangailangan, at magpapaunlad ng tuluyan sa bansa.

ANGKOP SA BAYANG PINAGSISILBIHAN

Ayon sa datos ng Food and Agriculture Organization ng UN sa Pilipinas, tinatayang sa

30,000,00 na hektaryang lupang sakop ng Pilipinas, mahigit kumulang sa kalahati (14,741,850)

ng lupa ng Pilipinas ay angkop upang gawing sakahan. Kung kaya’t tinuturing na isang

agrikultural na bansa ang Pilipinas kung saan karamihan ng mga Pilipino ay sumasandal sa

agrikultura para sa kanilang kabuhayan. Makikitang tunay na angkop ang mga programang

kaugnay ng agrikultura sa Pilipinas. Maraming lupa o sakahan ang maaring pag-aralan ng mga

estudyante at, ang mga lupang ito rin, ang higit na magbebenepisyo sa mga resulta at/o

inobasyon na magagawa ng mga magtatapos sa mga kursong ito. Hindi na kinakailangan pang

lumabas ng bansa upang maisakatuparan lamang ang mga napagaralan. Hindi katulad ng
kursong meteorology, hindi kulang sa mga kagamitan o lupang magagamit ang mga mag-aaral

ng agrikultura sa Pilipinas. Ang mga kapitbahay pa lang ng National Capital Region ay milyo-

milyong hektarya na ng lupa ang makikita. Kung kaya’t maraming paaralan tulad ng Unibersidad

ng Pilpinas Los Banos ang may mga kursong nakatuon lamang sa agrikultura, na kung saan

tinuturing na Centers of Excellence ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga

kursong ito. Ang pagkakakilanlang ito ay nag-uugat sa kaangkupan ng mga nasabing kurso sa

kanilang bayan.

MAKAKATULONG SA MGA NANGANGAILANGAN

Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), 11 milyong katao ang

tinatayang nagtratrabaho sa linyahe ng agrikultura. Kung saan kumikita lamang sila ng 161.80

piso kada araw (PSA, 2015). Makikita na higit itong mas mababa sa dapat na minimum wage na

475 na piso (DOLE, 2017). Dahil ito sa pagiging sisonal nang kanilang trabaho. Kumikita lang

ang magsasaka kapag sila’y nag-aani nang kani-kanilang mga nasaka. Kaakibat pa nito ang

pagtamlay ng Growth Rate ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas sa -3.31% (PSA, 2017). Kung

kaya’t ganoon nalamang kahirap kumita ang mga magsasaka. Ito rin ang maaring dahilan kung

bakit nababahiran ng negatibong kulay ang agrikultura sa Pilipinas. Sa kabilang dako, ang United

Kingdom (UK) na may halos kaparehong sukat ng nasasakang lupain sa Pilipinas (17.2 milyong

hektarya) ay labis-labis na mas malaki ang kinikita ng mga magsasaka roon na umaabot sa

£25,578 o higit kumulang 1 milyong piso kada taon. Dahil ito sa mga pagsulong ng mga

makabagong teknolohiya at stratehiya ng gobyerno ng UK. Kaakibat nito, ayon sa National

Statistics ng UK, tinatayang 20,000 na estudyante ang kumukuha ng agrikulturang kurso. Ito mga

estudyanteng ito ang kinukuha ng mga kompanya at ng gobyerno ng UK upang pag-aralan at

hanap ng mga maaring maging solusyon ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng

agrikultura ng UK. Kung ikukumpara sa ating bansa, noong 2017 5,000 lamang na mag-aaral ang

kumuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura at tatlong libo lang ang pumasa sa licensure
exams. Patuloy na minamaliit ng ating bansa ang mga programang kaugnay ng agrikultura.

Ngunit, kung magiging mapanuri ang mga Pilipino, makikita na ang pag-unlad ng bansang UK sa

kanilang agrikultural na sektor ay dahil may sapat silang mga kagamitan at kaalaman upang mas

maging epektibo at mabisa ang mga paraan nang kanilang pagtatanim. Kung ganito rin sana ang

magiging pag-iisip ng mga Pilipino, ang 11 milyong mga magsasaka ay magbebenipisyo sa mga

pag-aaral at inobasyong magagawa ng mga mag-aaral ng agrikltura. Matutulungan ng mga

magtatapos ng programang ito ang mga magsasaka na ayusin at talagusan ang mga paraan

nang kanilang pagtatanim at pagsasaka upang mapataas ang kalidad at dami ng kanilang mga

tinatanim. Sa pamamaraang ito, matutulungan ang mga magsasakang kulang-kulang ang kinikita

sa isang araw.

MAPAPAUNLAD NG TULUYAN ANG BANSA

Bilang isang agrikultural na bansa, ang Pilipinas ay punong-puno ng mga likas na yamang

agrikultural. Maraming lugar na masasakahan sa Pilipinas na nasa 14 milyong hektarya at angkop

ang tropikal na klima ng bansa para sa karamihan ng mga pangunahing pananim. Kaya’t ganoon

nalamang kataas ang ambag ng agrikultura sa ekonomiya ng bansa na nagtala ng 9% share sa

GDP ng ating bansa. Ngunit, hindi ganoon ka epektibo ang mga paraan ng pagtatanim ng mga

magsasaka dahil kinakailangan parin mag-import ng Pilipinas ng mga sako ng bigas upang

punana ang kakulangan sa supply nito. Kung kaya’t ang 9% na naambag ng sektor ng agrikultura

sa GDP ng bansa ay nababawasan pa dahil sa mga gastos na ginagawa ng gobyerno sa pag-

iimport ng mga produkto. Sa pagkuha ng mga agrikultural na program sa kolehiyo, magkakaroon

ng sapat ng tauhan at utak ang gobyerno at ang bansa upang mag-isip at gumawa ng mga

inobasyon sa sektor ng agrikultura ng bansa. Maaring pag-aaralan kung ano ang angkop na mga

tanim sa ganitong panahon, kung anong paraan o kagamitan ang pwedeng gamitin upang mas

dumami at mas gumanda ang ani ng mga magsasaka. Ang pag-aaral ng agrikultura ay

mabibigyang daan na magkaroon ng siyentipikong pagtingin sa sitwasyon ng nasabing sektor sa


Pilipinas at magbigay suwestiyion kung paano ito papaunlarin. Sa ganitong paraan mas

malilinlang ng bansa ang mga likas na yaman nito sa agrikultura at maaring magamit ng bansa

upang sa tuluyang pag-unlad.

KABILANG PANIG

Sa kabila ng mga nasabing dahilan, marami parin ang maaring magsabi na ang Pilipinas

ay mas nangangailangan ng doctor kaysa sa mga spesyalisado sa agrikultura. Sapagkat, kulang

ang mga doktor sa Pilipinas. Ayon sa DOH (2016), ang bilang ng doktor kumpara sa poplasyon

ay isang doktor kada 33,000 katao. Makikita na may malaking pagkukulang ang bansa sa mga

doktor at nangangailangan parin ito ng mahigit 15,000 na doktor upang mapunan ang

pagkukulang. Kaakibat nito, masasabi rin ng kabilang panig na ang Pilipinas, dahil ito ay third-

world country, ay madaling kapitan ng sakit. Maaring makita na mas kinakailangan ng Pilipinas

ang mga doktor dahil sa mga peligrong hinaharap ng bansa. At huli, ang pagiging doktor ay

magbibigay ng pinansyal na seguridad sapagkat itinaas ng DOH ang minimum na buwanang

sahod ng mga doktor sa P56,000 kada buwan o P672,000 kada taon. Hindi tulad ng isang

agricultural researcher na P18,170 ang kita kada buwan o P218,048 kada taon.

Ngunit, kung titignan ng maiigi, mas nagkukulang ang mga tagapagsaliksik sa agrikultura

kaysa sa mga doktor. Sa kasalukuyan may 70,000 na doktor sa buong Pilipinas habang ang may

4,000 lamang na tagapagsaliksik ng agrikultura sa bansa. Sumunod, ang pagiging masakitin ng

mga mamayan ng Pilipinas ay maiuugat sa mga kinakain ng mga Pilipino. Dahil sa mahal na mga

bilihin lalo na ang bigas, napipilitang maghanap ng mga alternatibong pagkain ang mga Pilipino

kung kaya’t hindi sila nakakakain ng sapat at nag-uudyok na sila’y magkasakit. Kung ating

bibigyang pansin ang sektor ng agrikultura at mas pag-iigihin ang pagbabago ng mga sistema

rito at mas gawing epektibo ay tiyak na baba ang presyo ng mga pagkain dahil hindi magkakaroon

ng kakulangan ng ani ang mga magsasaka. Ito ang magiging tulay upang makakain ng sapat ang

bawat Pilipino dahil sa mas mababang presyo ng bilihin at mas maiiwasan ang tiyansa ng
pagkakasakit. Kaugnay nito, mas mapapaunlad ang mga mahihirap na magsasaka sa

pamamagitan ng pagtulong sa kanila na ayusin ang kanilang paraan ng panananim. Ito ang

magbibigay sa kanila ng oportunidad na kumita ng mas malaki at mapakain ang kanilang mga

pamilya ng wasto.

Ang pagiging mananaliksik o ang pagkuha ng kursong kaugnay ng agrikultura ay isang

sakripisyo dahil iyong sinasakripisyo ang isang oportunidad (ang pagiging doktor) na maging mas

mayaman upang tumulong sa iyong bansa. Sa pagkuha ng ganitong kurso ay inaalay mo ang

iyong sarili sa pagbibigay serbisyo sa mga nangangailangan at tinutulungan mo silang mas

umunlad. Oo, hindi ganoon kataas ang suweldo sa ganito propesiyon ngunit ang makita na

nakakatulong ka sa mga mahihirap na mapaunlad ang kanilang sarili at mabigyan ang bansa ng

sapat na pagkain ay sapat na. Ang tanong ngayon: Negosyo o Kalayaan? Bayan o Sarili? Pumili

ka! Piliin mo ang mas kinakailangan ng bansa—ang mga manananliksik sa agrikulturang handang

magbigay serbisyo sa bansa.


Mga Sanggunian:

http://countrystat.psa.gov.ph/?cont=3

https://ched.gov.ph/wp-content/uploads/2018/07/Higher-Education-Graduates-by-Discipline.pdf

http://psa.gov.ph/sites/default/files/SSA2017%20%281%29.pdf

https://ched.gov.ph/wp-content/uploads/2018/07/PRC-National-Passing-Percentage.pdf

http://www.fao.org/3/w6928e0m.htm#TopOfPage

https://data.worldbank.org/indicator/AG.LND.AGRI.ZS

https://imsp.uplb.edu.ph/index.php/19-imsp-news/instruction/27-ched-reinstates-up-centers-of-

excellence

http://www.nwpc.dole.gov.ph/pages/ncr/cmwr.html

https://www.hesa.ac.uk/news/11-01-2018/sfr247-higher-education-student-statistics/subjects

http://cnnphilippines.com/news/2016/10/13/department-of-health-lack-of-doctors.html

http://www.ifpri.org/publication/agricultural-rd-philippines

https://www.payscale.com/research/PH/Job=Research_Analyst/Salary/3d02a6df/Entry-Level

http://www.nwpc.dole.gov.ph/pages/ncr/cmwr.html

Você também pode gostar